Friday, February 1, 2008

Sestina Sa Inaasahang Pagreretiro

ni Rio Alma

Minsang ipiit ka ng lakas ng ulan
Sa loob ng isang himpilang gusali
At ipinagbawal ng huklubang kulog
Ang paglalakbay mo sa ibang panahong
Masaya’t malungkot, magulo’t payapa
Sa gilid ng mundo’t sa silong ng langit.

May bagong kalatas ang sungit ng langit
At ang kumakapal na rehas ng ulan—
May inihahandog na yugtong payapa
Sa hubad na dibdib ng puting gusali
Upang magkapatlang ang iyong panahong
Tigib sa patalim at pangil ng kulog.

Naimpok mong uban at kirot ng kulog,
Bigat wari ngayong binuhay ng langit
Upang tanggapin mong ito ang panahon
Ng pagpapanatag mo sa himig ng ulan.
(Nagmistulang nitso ang putlang gusali;
Damdam mong anino’y ibig mamayapa.)

Ano pang tungkulin bago pumayapa
Ang dapat mong tupdin sa gitna ng kulog?
May tahanan ka na’t moog sa gusali
Na masisidlan mo ng sariling langit;
Di rin kailangang sugurin ang ulan
Para sa mithi mong wala-sa-panahon.

Di ka ba natuto sa buong panahong
Hanap mo ang mithing tunay na payapa?
Ligtas na ang mutyang binihag ng ulan;
Patay na ang dragong lumiha ng kulog.
Ang hanap mong laya at tunay na langit,
Nupling, kung loobin, dito sa gusali.

Ngunit ang puso mo’y isa ring gusali
Ng mga gunitang imbak ng panahon
At kahit umabot sa pampitong langit
Ay binabalisa ng lunang payapa…
Kahit munting init (Tabi po sa Kulog!)
Ay mas minahal kapagka maulan.

Sayang ang panahon ng pamamayapa
Sa puntod na itong gusali ng kulog:
Mas ganap ang langit ng tigmak sa ulan.